Biglaan.

Sana'y di magmaliw ang dati kong araw nang munti pang bata sa piling ni Nanay, nais kong maulit ang awit ni inang mahal awit ng pag-ibig habang ako'y nasa duyan.

May nakilala ako noong isang araw.

Si Amie Perez.

May kaedaran na pero hindi mo mahahalata sa itsura.

Mahilig siyang sumayaw ng Nae Nae habang nakataas ang kilay.

Magaling siya sa sales dahil kaya niyang bentahan ang isang buong pamilya kasama na ang alaga nilang aso, pusa, daga, ipis, lamok at langaw.

Simula ng makilala ko siya, siya na din ang nagtuturo sa akin upang mahasa ang kakayahan ko.

Ilang minuto din kaming nag-usap.
Sa sobrang dami naming napag-usapan nag-iba ang ikot ng mundo dahilan upang tumalon sa talambuhay ng bawat isa.

Malaki ang pamilya ni Chang Amie.
Mga lima yata ang mga anak niya.
Pitong taong gulang ang bunso niya at ang iba ay may mga asawa na ngunit sama-sama pa din sila sa isang tahanan.
Ilang taon na ding wala ang asawa niya kaya't siya na lang ang nagtataguyod sa mga anak niya.

Tinanong ko siya "Buti po nakakaya niyo po?" ang tanging sagot lang niya sa akin "kakayanin ko para sa mga anak ko.

Tuloy-tuloy siyang nagkwento sa akin.
Noong nawala daw ang asawa niya hindi niya alam kung anong gagawin, kung saan magsisimula at paano tatanggapin na wala na ang haligi ng tahanan nila.

Nag-aaral ang mga anak niya habang dumedede pa ang bunso niya dahil ilang buwan pa lamang ito.
Parang mababaliw na daw siya kapag nakikita ang mga anak niyang umiiyak na sa gutom dahil tinapay at tubig lang ang laman ng tiyan ng mga ito buong araw.
Lahat nilapitan na niya.
Nagawa na daw niyang mangatok sa bahay-bahay para makahingi lang ng pagkain para sa mga anak.
Kulang na lang ay magbenta siya ng kaluluwa makakain lang ang mga anak niya.

Biglang tumulo ang luha niya.
Kitang-kita mo sa mga mata niya kung ano ang mga pinagdaanan niya.

"Pero mabait pa din ang Panginoon. Hindi niya kami pinabayaan." banggit niya sa akin.

Hindi ko namalayang tumutulo na din ang luha ko habang nagkukwento siya.

"Kaya nagpapasalamat ako sa trabahong ito dahil kahit papaano nakakaraos na kami araw-araw. Hindi ko na kailangang kumatok sa mga bahay para manghingi ng pagkain. Ayoko ng makita yung mga anak ko na nagugutom. Kakayanin ko para sa mga anak ko." Kwento niya habang nagpupunas ng luha sa mukha.

Hindi ako makasagot.

Wala akong masabi.

Pinagmamasadan ko lang siya habang nagkukwento at tumutulo ang luha.

Madaming kwento ang buhay depende na lang ito kung paano mo isusulat ang bawat pahina at kabanata nito.

Saludo ako sa mga magulang na tinaguyod ang mga anak para ibigay lang ang pang-araw-araw na pangangailangan.

Saludo ako sa Nanay ko na nagsilbing Ama at Ina sa amin ng ilang taon.

Nagsakripisyo.

Piniling lumayo upang ibigay ang pangangailangan namin.

Ngayong nandito na ang nanay ko, panahon naman para suklian lahat ng sakripisyo niya sa amin.
Hindi ko man maibigay ang lahat gagawin ko pa din lahat mabigay lang ang maginhawang buhay para sa kanya.

Sana'y di magmaliw ang dati kong araw nang munti pang bata sa piling ni Nanay, nais kong maulit ang awit ni inang mahal awit ng pag-ibig habang ako'y nasa duyan.









Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Hilot na May Kasamang Bulong o Tawas na May Kasamang Dasal?

SIRENA ni Gloc-9

Rest in Peace "Hari ng Komedya" Dolphy Quizon